Home » Post Item » Ang Tatlong Munting Itik
Ang mga karanasan nuong kabataan ay bahagi ng mga aral at ala-ala ng katandaan.

Ang Tatlong Munting Itik

July 1, 2009

Katulad ng karamihan ng mga bata, mahilig ding mag-alaga ng hayop si Andoy.Tulad ng pusa, gagamba, o kaya naman ay ibon.

Sa kanyang musmos na isipan, dalawa la-ang prinsipiyo ang kanyang gabay; una, ang alaga ay dapat nakakulong upang hindi makatakas at ligtas sa maninila. Ang huli, dapat laging may pagkain.

Laking tuwa ni Andoy ng makasama ni ama sa pamilihang-bayan. Ito ang una niyang pagkakataon na makarating sa ganitong lugar. Ang pagkakaraming mga tao. Gay-on din naman ang mga iba-ibang uri ng kalakal.

Agaw-pansin ang mga siyap ng mga munting itik. Masigla. Maingay.

Ka-agad hinatak ang kamay ni ama upang ituro ang mga ito. Abot-taynga ang ngiti ng pagbiyan na bumili ng tatlong itik. Hindi pa tapos si ama sa kanyang mga gawaing dapat tapusin sa bayan ay hirang-hira na si Andoy na maka-uwi, kasama ang tatlong munting itik.

Pagsapit sa bahay, nagmamadaling inilagak ang mga itik sa isang malaking hawla. Ito ay dating kulungan ng mga kalapati ni kuya Ambo, ang pa-nganay na kapatid ni Andoy. Binigyan ng tubig inumin at languyan, sa isang mababaw na lata ng tinapay. Naglagay din ng basiyong lata ng sardinas. Pinuno ng bahaw na kanin. Winisikan ng tubig ang bawat isa sabay bigkas sa kanikanilang pangalan; si Diko, Miko, at Kiko.

Sa ilang sandali la-ang ay naubos ang kanin. Pintog-na-pintog ang mga butsi. Masmalaki pa sa mga ulo nila. Muling pinuno ni Andoy ang lata ng sardinas. Nilantakan muli ng mga itik. Kagalakan ang nadadama ni Andoy habang nakamasid sa mga alaga. Dito nagsalita si ama.

“Anak, bagamat kailangang kumain ng iyong mga alaga, alalahaning ang lahat na labis sa pangangailangan ay maaring maging sanhi ng kapahamakan.”

Kinig ni Andoy ang tinig ni ama ngunit bingi sa mga salitang binigkas. At bago umakyat ng bahay upang maligo at maghapunan, isa pang umaapaw na lata ng durog na mais ang ibinigay ni Andoy. Panghimagas daw.

Pagsapit ng umaga, hindi pa nalulun-ok ang huling subo ng tinapay ay nagmamadaling bumaba ng bahay upang pakainin ang kanyang mga alaga. Alam ng musmos na sa kanyang mga kamay nakasalalay ang buhay ng mga ito.

Isang kahindik-hindik na tanawin ang sa kanya ay sumalubong. Pawang nakatihaya ang tatlong munting mga itik. Hagulgol ng iyak ang bata. Hindi niya kayang mahawakan ang mga minamahal na mga alaga. Parang walang lakas ang kanyang mga kamay at mga daliri. Napaluhod. Halos masuka.

Muling nagbalik ang lakas ng madama ang kamay ni ama sa kanyang balikat. Niyakap niya ng mahigpit si ama. Tila walang patid ang luha sa kanyang mga mata. Pinahid ni ama ang mga luha gay-on din ang uhog na akyat-manaog sa ilong ng bata.

“Anak, may-aral na dapat matutuhan sa iyong pagkakamali”, wika ni ama. “Mula ngay-on ay iintindihin mo ang payo ng nakakatanda sa iyo”, dagdag pa ng ama.

Ang sumunod na tagpo ay ang pagsasama ng mag-ama sa libingan ng lahat na namayapang mga alaga ni Andoy. Si Muning, ang kuting na nadag-anan ng sako ng bigas. Si Abo, ang malaking gagamba na inutas ng mga kuwitib. Si Maya, ang mayang may bali ang pakpak na napulot ni ama malapit sa ulbo ng baboy. At iba pang mga sawing palad na nilalang na nagsipanaw sa hindi maipaliwanag na kadahilanan.

Bilang pagkilala sa kanila, sa pagiging bahagi ng buhay ni Andoy, may mga tanda na ginawa si ama kung saan ay inukit niya ang kani-kaniyang mga pangalan.

Posted by kaandoy at 8:04 pm | permalink

Previous Comments

Sapagkat ang labis ay may naidudulot na kapahamakan.

Posted by J.Kulisap at July 2, 2009, 12:41 pm

Ako man ay nakaranas maglibing ng pusang namatay sa likod ng bakuran ni Lelang o saksi sa alagang aso na tinangay ng mga manginginom upang pulutanin.

Posted by Paquita at July 3, 2009, 1:02 pm

Salamat J.Kulisap. Isang karanasang hindi napawi ng mga araw na nagdaan.

Posted by kaandoy at July 5, 2009, 8:35 pm

@Paquita, ako’y nakasaksi din kung paano gaw-ing pulutan ang isang aso. Matibay ang kalooban ng gumagawa ng gay-on.

Posted by kaandoy at July 5, 2009, 8:45 pm

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment