Home » Archives » February 2010
Ang mga karanasan nuong kabataan ay bahagi ng mga aral at ala-ala ng katandaan.

Baligtad na ang Mundo

February 19, 2010

Si kuya Warlito ay ulila na sa mga magulang. Tanging ang kanyang lola ang kanyang kasama sa buhay. Ang kanyang lola at ang aking lola ay magpinsang buo.

Mabait si pinsan. Masinop sa buhay. Sa bayan ng Santo Tomas siya nagtatarbaho bilang kawani sa isang gasolinahan. Madalas na ginagab-i siya ng uwi dahil sa kanyang gawain.

Noong Huwebes, halos ika-3 ng umaga, hinarang siya ng tatlong hindi kilalang mga kalalakihan sa isang madilim na bahagi ng kalsada patungo sa kinilang tahanan.

Pinagtigisang hawakan ang kanyang mga baraso ng dalawa. Ang ikatlo nama’y walang habag na nanakit sa kanya. Suntok at tadyak ang mga pinadapo sa kataw-an ng aking mabait na pinsan. Pagkatapos saktan at hindi na makagulapay si kuya ay kinulimbat lahat ng kanilang makukuha kay pinsan; ang kanyang relo at singsing, kasama ang kuwintas na bigay ng kanyang kasintahan. Kinuha rin ang kanyang pitaka at mga sinsilyo sa bulsa. Higit sa lahat ang kanyang kalhating buwang sahod na nakatago pa sa kanyang mga sapatos. Tinangay din ang mga ito subalit ang mga sintas ay ginamit nilang pangtali sa kanyang mga kamay.

Ganap na ika-7 ng umaga ng maihatid si pinsan ng mga pulis at tanod. Mabilis ang balita. Napakaraming tao sa kanilang bahay, mga kamag-anak, kapit-bahay, at iba pang hindi ko kilala.

Pahayag ng isang alagad-ng-batas,”hindi dapat siyang (pinsan) nagpapaabot ng madaling-araw sa paglalakad dito sa bukana ng baryo. Noong kabilang linggo, ganito din ang naganap sa may Darasa. Tatlo din ang hinihinalang may kagagawan ng krimen”.

“Dapat maging maingat ang lahat. Kakaunti laang kami at hindi naming kayang puksain lahat ng masasamang-loob”, dagdag pa niya.

Sa himig ng kanyang pananalita, parang si kuya pa ang may sala! Kung buhay pa si lolo, malamang ang madirinig kong bibigkasin niya ay, “lasa ko’y baligtad na ang mundo?”

Posted by kaandoy at 6:47 am | permalink | Add comment

Tapos na ang Bakasyon

February 6, 2010

Panimula ay ang pagtanaw sa minimithing pagbabakasyon. Bilang ang bawat mga araw na lumilipas palapit sa takdang paglisan.

Bakas ang kaligayahan. Ito na ang aking pagbabakasyon sa lalawigan ng Laguna.

Maraming pagkakaabalahan; mga hindi pangkaraniwang gawain. Masarap maglaro maghapon kahit nakabilad sa init ng araw sa katanghalian. Malayo sa mga mapanuring paningin ni Ama at Ina. Malaya. Walang pangamba.

Ngunit sa kabila nito, madalas akong masaktan. Nasusugatan ang mga tuhod o kaya naman ay nagagalusan ang mga palad at talampakan. Hindi ko maala-ala kung papaano nangyari ang mga ito.

Ganoon din naman ang aking damdamin. Nasaktan dahil sa hindi pagkakaunawan sa pag-itan ng mga kalaro at mga pinsan. Ako rin naman ay nakasakit ng mga kalooban nila ng hindi sinasadya.

Dahilan ga ito ng pangsamantalang pagkalayo sa gabay ng aking mga magulang? Pagkalimot ga ire sa mga tagubilin nila?

Napakatuling ng mga kaganapan. Matulin ding tumulak ang bus pabalik ng Batanggas. Madaling iniwan ang bawat sandaling naging bahagi ng pang-araw-araw na buhay bakasyon. Sa isang iglap ay narating na muli ang baryong aking kinagisnan.

Oras na upang magbalik sa dating buhay. Tapos na ang bakasyon.

Posted by kaandoy at 4:29 pm | permalink | Add comment