Home » Post Item » Sa Ilog Tayo
Ang mga karanasan nuong kabataan ay bahagi ng mga aral at ala-ala ng katandaan.

Sa Ilog Tayo

June 12, 2009

Mahigpit na ipinagbabawal ni ina ang paliligo sa ilog. Lubha daw itong mapanganib. Taon-taon ay may buhay na ibinubuwis dito.

Ngunit mapanukso ang damdamin ng kabataan. Madali itong ma-igupo ng mga mapang-akit na pagkakataon.

Masarap at masaya ang paglalangoy lalo’t kasama ang mga kapwa kabata-an. Malamig ang tubig sa ilog. Malalim din ito. Mapag-aanyaya ang panahon sapagkat mataas ang sikat ng araw. Dama ang sariwang hanging sinala ng mga nagtata-asang kawayanan sa ibayo.

Heto na si Andoy. Nagmamadali sa paglundag sa umaagos na tubig. Napasigaw sabay sa pagtilamsik ng tubig. Hala, langoy la-ang ng langoy. Pagud na pagod sa pagkampay at pagsikad sa tubig. Ang tawag sa kilos na ito ay langoy-aso.

Bukod sa pagod, busog na busog ang diyaske. Sa bawat paglundag at paglubog sa tubig-ilog ay nakaka-inom si Andoy ng hindi sinasadya.

Hindi naman nagtagal at nagkayaya-an ang mga magkakaibigan na magsi-uwi. Abot-abot ang pagdighay. Lasa sa pa sa bibig ang matab-ang na tubig-ilog.

Pagsapit ng bahay ay nasalubong si ina. Napuna ang sunog na baraso at mga kulubot na palad. Inamoy ang buhok.

“Naligo ka sa ilog!”, bulalas ni ina. “Hindi ga ipinagbabawal ko iyan dahil mapanganib?”. “Hala, dapa sa papag.”

Makailang pinalo ng patpat sa puwit. Humito la-ang ng ma-ngako na hindi na susuwayin si ina.

Sa ating pamumuhay ay hindi tayo makaka-iwas sa mga batas. At ang paglabag sa utos ay may ka-ukulang parusa.

May batas pangtahanan. Gay-on din sa lipunan. At ang pinakamata-as ay ang Batas ng May-kapal.

Ang mga batas o utos na matuwid ay inilagay sa mga pamayanan sa ikabubuti ng lahat. Upang maging maayos ang pamumuhay.

Sa pagkakamali ni Andoy ay may katapat na hapdi ng parusa. Ngunit sa kabila nito ay aral. At ang bawat aral ay dapat i-ukit sa puso upang maipamana sa mga susunod na saling-lahi.

Posted by kaandoy at 10:26 pm | permalink

Previous Comments

Ako ay muli na namang pinahanga. Payak ang pagkakagawa ng iyong maikling kwento ng karanasan ngunit hitik naman ito sa aral na magagamit sa ating pang-araw araw na pamumuhay.

Sa ganang akin, tama na may batas tayong sinusunod subalit maging mapanimbang sana ang mga nagpapasunod ng batas.

Makabubuti o makasasama ba ito sa nakararami?

Posted by J.Kulisap at June 13, 2009, 5:54 pm

Salamat sa iyong papuri.

Dapat lahat ay mapag-matyag sa mga gumagawa ng batas at sa mga nagpapatupad nito.

Oo, ang batas ay binalangkas upang ikabuti ng nakakarami at hindi upang ipasunod ang pang-sariling layunin.

Posted by kaandoy at June 19, 2009, 6:21 pm

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment