Home » Archives » March 2009
Ang mga karanasan nuong kabataan ay bahagi ng mga aral at ala-ala ng katandaan.

Ang Saltek ni Andoy

March 21, 2009

Sino nga ga sa aming baryo ang kabataang lalake na hindi humawak ng saltek? Sa edad na walo, araw-araw ang aking pagsasanay. Namimintug ang aking mga bulsa; puno ng mga makikinis na bato, pambala sa saltek.Hayun, law-law naman ang pundiyo eh, sa big-at ng bulsa.

Karaniwang mga kawawang mga ibon at pagkaminsa’y mga asong-gala ang mga pinupuntirya. Ngunit pangunahin na ang mga ibon. Bukod sa malili-et, sila ay hinde nagsilayo kahit nabulabog. Para ‘gang naghahamon na tamaan sila.

Isang hapon, yakag ako ng aking nakakabatang kapated. Itinuro ang isang pakiskes sa puno ng kakaw. Abot-abot naman ang pag-awit ng item na ibon. Pagay-ang gay-an pa ang buntot. Aking sinipat, pumaharap naman itong aking kapated upang iturong maige ang ibon. Pagbitaw ko sa balat na naghahawak ng bato, umigkis ang gomang naghagis ng bato sa sawing-palad na nilalang.

Sabay sa pagtahimik ng ibon ay ang pag-aringkeng ng aking bunsong kapated. Tinamaan pala ng goma ang kayang mata sa paghaplit ng saltek. Paano ga naman eh napakalapet ng pagmumukha sa harapan ng tirador.

Ang aral: Kung mag-iisyoso, lumagay sa maayos. Wag uulaga-ulaga. Palaging isaisip ang kaligtasan.

Tala-salitaan: Saltek o tirador = sling-shot. Pakiskes = a middle sized black bird.

 

Posted by kaandoy at 3:29 pm | permalink | comments[8]

Ang Kuwento ni Tiya Duray

March 6, 2009

A-ah, tayo ang aming mga balahibo eh, sa takot. Mangyare eh nakinig kaming mga magpipinsan kay Tiya Duray. Nagkuwento kasi ang Tiya nang isang kaganapan dito sa amin baryo noong mga panahong kakaunti pa ang mga bahayan dine. Isa sa mga pinagkakatakutan ay ang burol sa lumang paaralan nang Darasa.

Palibhasa’y bihira ang mga dumadaan kapag dumilim, marami ang umiiwas na gumawi sa burol na ito. Malalago at nagtataasan ang mga talahib sa gilid ng kalsada. Malapit naman sa tuktok ng burol ay ang dalawang matayog na puno ng mangga. Magkatapat at namamagitan la-ang ang kalsadang makipot.

Sa araw, malamig ang simoy nang hangin. Nasisilungan kasi ng anino ng magkatapatang mga puno ang burol. At sa gab-e naman ay napaka dilim. Wari mo’y nakapiket ang iyong mga mata at walang maaninag kundi ang mga kutitap ng mga alitaptap.

Minsan daw ay ginab-e si Mamay Turibio galing bayan dahil nakipaglamay sa patay na kamag-anak. Sakay ng kayang kalesa, abut-abot ang hagupit sa kabayo upang makalayo nga agad sa kinakatakutang burol.

At nang sumapit nga siya duon, ay napansin ni Mamay na bumagal ang patikad nang kayang kabayo. Hinaplitt ng kaunte si kabayo para maing-gle. E-eh, lasa niya’y may pumipigil sa gilong ng kalesa. At nang lingunin ay nakita niya ang isang babaeng nakapulang damet at napakahaba ang mga buhok na nakalugay. Parang hinde nagsusuklay; mahihiya ang sabukot. Ang mga mata naman ay nanglilisik na nakatitig sa nahintakutang matanda.

Bigla kamong akmang sasampa sa kalesa at bumigkas ng, “pasakayin mo ako”. Ang tinig daw ay nakakahindek. Akala mo eh musang na galet.

Sumagot si Mamay, “Ay baken ga kita pasasakayen eh piritay ka?”, Nagngangalit ang mga bag-ang nang piritay at sasampa nga sa kalesa. Hala, halinhinan ang hagupit nang matanda sa kabayo’t sa maligno.

Nilubayan la-ang si Mamay nang sumapit sa paanan nang burol. Latay namang katakut-takot ang inabot nang kawawang kabayo. Paltos nga ang puwitan eh. Lalu la-ang kinatakutan ng mga taga Darasa ang burol na iyon.

Makatapos ang salaysay ni Tiya, urong ang aming mga tumbong nang kami ay magsi-uwi. Takut na takot. Ni hindi na nakuhang nagsi-ihi bago matulog. Kaya ayon, halos pumutok ang mga pantog nang magsigising sa umaga.

Ayaw ko ng gay-an, maghapong akong binalisawsaw.

Posted by kaandoy at 9:53 pm | permalink | Add comment