Nakipag-away kay Benito
February 23, 2009 Pahibhasa’y patpatin ang aking kataw-an, ako ay lagi na la-ang tinutuksong kalansay. Bakat daw sa T-shirt ko ang aking parilya. Isang bulate na la-ang daw ang kulang na pumirma at ililibing na ako. Ano pa ang aking gagaw-en? Eh di umiwas na la-ang sa mga nanunokso. Itong akeng kamag-aral na si Benito ay sunod pa rin ng sunod sa aken para ga maki-tukso. Mata-as siya at malusog ang pangangataw-an, walang ka-abog-abog akong inumbag sa tiyan. Kami nga ay nagpangbuno. Pagilong-gilong sa damuhan. Parang mga sawang naglilingkisan. E-eh, ako yata ay papatayen. Pisil-pisil ako sa lala-ugan. Puga-es na ako at hindi makahinga. Pagtulak ko kay Benito, umikot-ikot kami pababa sa gilid ng kanal. Napangise ang hayop. Biglang tumayo. Tumakbong palayo. Ako nama’y nagulat sa kayang inasal. Ang aking pagtataka ay napawi ng pagsusuka. Naka-amoy ako ng napakabaho. Puno ng dume ng aso ang aking T-shirt. Ako’y napadu-al. Labas lahat ang laman ng sikmura. Ang pagkahapdi ng akeng ngala-ngala. Maasim sa dila. Tuto-ong ako’y masyadong na-api nang araw na iyon. Kung siya nga ay talagang matapang, baket akong mali-et ang kayang napagdidiskitahan at hindi ang aming kamag-aral na si Luciano? Matangkad at sarat ang ilong. May bune pa ang sakong. Pahabol: Ang mga tao ay may hawig sa mga bakule sa ilog. Kapag pinagmasdan, animo’y may kanya-kanyang mga kaugalian. Mapapansin na may mga naghaharian at nagmamatapang. Nguinit ang pinupuntirya ay yaong may kahinaan o kaya naman ay maysakit. Sa aking pangunawa, ire marahil ay upang hinde na kumalat ang lahe ng mahihina. Yaong mga malalake at malalakas la-ang ang mananaeg. Ngunit hinde dapat gay-ong ang tao sapagkat hinde tayo hayop. Bawat isa ay may damdamen at marunong masaktan.
Previous Comments
Salamat Kulisap. Nagagalak ako sa pagkakaugnay ng ating wika.
Posted by kaandoy at April 4, 2009, 12:57 amSapagkat ang mga lalaki ay sinanay sa karahasan, hindi ka tunay na lalaki kung ikaw ay lampa. Sa ating lipunan nakaugalian na ang matapang ay yaong gimagamit ng dahas at hindi ang mapagkumbabang loob.
Posted by Paquita at April 22, 2009, 1:06 pmMaraming pananaw ang nauukol sa pagkalalake. Salamat sa karagdagang iyong tinuran.
Simula sa Bibliya hanggang kapanahunan natin ay marami tayong makikitang halimbawa ng isang tunay na lalake; may mga kinikilala ng marami at mayroon naman kakaunte ang nakakakilala.
May mga lalake na ang puhunan ay lakas ng bisig. Mayroon din namang ang gamit at talas ng isip. Mayroon ding mahinahon and may mapusok. Mahaba kung ating susubaybay lahat ang mga pananaw. Ngunit isa sa mahalagan sangkap ay yoong gang paninindigan. Ito ang ugat ng lahat ng katangi-ang dapat na taglay.
Yaman din lamang at nasaling ang pagkalalake natin Ka Andoy, ano nga ba ang tunay na sukatan ng pagiging lalake?
Posted by J.Kulisap at April 24, 2009, 12:14 pmAng aking pamantayan ay nabunyag na sa aking sinulat at gay-on din naman ang sa iyo. Bawat isa ay may kanya-kanyang sukatan na maaring katanggap-tanggap, maari din namang hinde. Ito ay bahagi ng pagkakakilanlan ng bawat isa.
Posted by kaandoy at April 30, 2009, 5:59 pmAll comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.







Ipinagkakapuri ko ang paggamit mo ng pangrehiyong punto, sa larangan ng pag-iintindi ng ibang Pilipino ito ay mahirap unawain at katatamarang basahin, pero ang iyong kwento ay kwento ko na rin,’yon ang mahalaga, nagkakaintindihan tayo.
Tawagin mo akong Kulisap
Posted by KULISAP at April 2, 2009, 1:01 pm