Baligtad na ang Mundo
February 19, 2010Si kuya Warlito ay ulila na sa mga magulang. Tanging ang kanyang lola ang kanyang kasama sa buhay. Ang kanyang lola at ang aking lola ay magpinsang buo.
Mabait si pinsan. Masinop sa buhay. Sa bayan ng Santo Tomas siya nagtatarbaho bilang kawani sa isang gasolinahan. Madalas na ginagab-i siya ng uwi dahil sa kanyang gawain.
Noong Huwebes, halos ika-3 ng umaga, hinarang siya ng tatlong hindi kilalang mga kalalakihan sa isang madilim na bahagi ng kalsada patungo sa kinilang tahanan.
Pinagtigisang hawakan ang kanyang mga baraso ng dalawa. Ang ikatlo nama’y walang habag na nanakit sa kanya. Suntok at tadyak ang mga pinadapo sa kataw-an ng aking mabait na pinsan. Pagkatapos saktan at hindi na makagulapay si kuya ay kinulimbat lahat ng kanilang makukuha kay pinsan; ang kanyang relo at singsing, kasama ang kuwintas na bigay ng kanyang kasintahan. Kinuha rin ang kanyang pitaka at mga sinsilyo sa bulsa. Higit sa lahat ang kanyang kalhating buwang sahod na nakatago pa sa kanyang mga sapatos. Tinangay din ang mga ito subalit ang mga sintas ay ginamit nilang pangtali sa kanyang mga kamay.
Ganap na ika-7 ng umaga ng maihatid si pinsan ng mga pulis at tanod. Mabilis ang balita. Napakaraming tao sa kanilang bahay, mga kamag-anak, kapit-bahay, at iba pang hindi ko kilala.
Pahayag ng isang alagad-ng-batas,”hindi dapat siyang (pinsan) nagpapaabot ng madaling-araw sa paglalakad dito sa bukana ng baryo. Noong kabilang linggo, ganito din ang naganap sa may Darasa. Tatlo din ang hinihinalang may kagagawan ng krimen”.
“Dapat maging maingat ang lahat. Kakaunti laang kami at hindi naming kayang puksain lahat ng masasamang-loob”, dagdag pa niya.
Sa himig ng kanyang pananalita, parang si kuya pa ang may sala! Kung buhay pa si lolo, malamang ang madirinig kong bibigkasin niya ay, “lasa ko’y baligtad na ang mundo?”
Tapos na ang Bakasyon
February 6, 2010Panimula ay ang pagtanaw sa minimithing pagbabakasyon. Bilang ang bawat mga araw na lumilipas palapit sa takdang paglisan.
Bakas ang kaligayahan. Ito na ang aking pagbabakasyon sa lalawigan ng Laguna.
Maraming pagkakaabalahan; mga hindi pangkaraniwang gawain. Masarap maglaro maghapon kahit nakabilad sa init ng araw sa katanghalian. Malayo sa mga mapanuring paningin ni Ama at Ina. Malaya. Walang pangamba.
Ngunit sa kabila nito, madalas akong masaktan. Nasusugatan ang mga tuhod o kaya naman ay nagagalusan ang mga palad at talampakan. Hindi ko maala-ala kung papaano nangyari ang mga ito.
Ganoon din naman ang aking damdamin. Nasaktan dahil sa hindi pagkakaunawan sa pag-itan ng mga kalaro at mga pinsan. Ako rin naman ay nakasakit ng mga kalooban nila ng hindi sinasadya.
Dahilan ga ito ng pangsamantalang pagkalayo sa gabay ng aking mga magulang? Pagkalimot ga ire sa mga tagubilin nila?
Napakatuling ng mga kaganapan. Matulin ding tumulak ang bus pabalik ng Batanggas. Madaling iniwan ang bawat sandaling naging bahagi ng pang-araw-araw na buhay bakasyon. Sa isang iglap ay narating na muli ang baryong aking kinagisnan.
Oras na upang magbalik sa dating buhay. Tapos na ang bakasyon.
Ang Tatlong Munting Itik
July 1, 2009 Katulad ng karamihan ng mga bata, mahilig ding mag-alaga ng hayop si Andoy.Tulad ng pusa, gagamba, o kaya naman ay ibon. Sa kanyang musmos na isipan, dalawa la-ang prinsipiyo ang kanyang gabay; una, ang alaga ay dapat nakakulong upang hindi makatakas at ligtas sa maninila. Ang huli, dapat laging may pagkain. Laking tuwa ni Andoy ng makasama ni ama sa pamilihang-bayan. Ito ang una niyang pagkakataon na makarating sa ganitong lugar. Ang pagkakaraming mga tao. Gay-on din naman ang mga iba-ibang uri ng kalakal. Agaw-pansin ang mga siyap ng mga munting itik. Masigla. Maingay. Ka-agad hinatak ang kamay ni ama upang ituro ang mga ito. Abot-taynga ang ngiti ng pagbiyan na bumili ng tatlong itik. Hindi pa tapos si ama sa kanyang mga gawaing dapat tapusin sa bayan ay hirang-hira na si Andoy na maka-uwi, kasama ang tatlong munting itik. Pagsapit sa bahay, nagmamadaling inilagak ang mga itik sa isang malaking hawla. Ito ay dating kulungan ng mga kalapati ni kuya Ambo, ang pa-nganay na kapatid ni Andoy. Binigyan ng tubig inumin at languyan, sa isang mababaw na lata ng tinapay. Naglagay din ng basiyong lata ng sardinas. Pinuno ng bahaw na kanin. Winisikan ng tubig ang bawat isa sabay bigkas sa kanikanilang pangalan; si Diko, Miko, at Kiko. Sa ilang sandali la-ang ay naubos ang kanin. Pintog-na-pintog ang mga butsi. Masmalaki pa sa mga ulo nila. Muling pinuno ni Andoy ang lata ng sardinas. Nilantakan muli ng mga itik. Kagalakan ang nadadama ni Andoy habang nakamasid sa mga alaga. Dito nagsalita si ama. “Anak, bagamat kailangang kumain ng iyong mga alaga, alalahaning ang lahat na labis sa pangangailangan ay maaring maging sanhi ng kapahamakan.” Kinig ni Andoy ang tinig ni ama ngunit bingi sa mga salitang binigkas. At bago umakyat ng bahay upang maligo at maghapunan, isa pang umaapaw na lata ng durog na mais ang ibinigay ni Andoy. Panghimagas daw. Pagsapit ng umaga, hindi pa nalulun-ok ang huling subo ng tinapay ay nagmamadaling bumaba ng bahay upang pakainin ang kanyang mga alaga. Alam ng musmos na sa kanyang mga kamay nakasalalay ang buhay ng mga ito. Isang kahindik-hindik na tanawin ang sa kanya ay sumalubong. Pawang nakatihaya ang tatlong munting mga itik. Hagulgol ng iyak ang bata. Hindi niya kayang mahawakan ang mga minamahal na mga alaga. Parang walang lakas ang kanyang mga kamay at mga daliri. Napaluhod. Halos masuka. Muling nagbalik ang lakas ng madama ang kamay ni ama sa kanyang balikat. Niyakap niya ng mahigpit si ama. Tila walang patid ang luha sa kanyang mga mata. Pinahid ni ama ang mga luha gay-on din ang uhog na akyat-manaog sa ilong ng bata. “Anak, may-aral na dapat matutuhan sa iyong pagkakamali”, wika ni ama. “Mula ngay-on ay iintindihin mo ang payo ng nakakatanda sa iyo”, dagdag pa ng ama. Ang sumunod na tagpo ay ang pagsasama ng mag-ama sa libingan ng lahat na namayapang mga alaga ni Andoy. Si Muning, ang kuting na nadag-anan ng sako ng bigas. Si Abo, ang malaking gagamba na inutas ng mga kuwitib. Si Maya, ang mayang may bali ang pakpak na napulot ni ama malapit sa ulbo ng baboy. At iba pang mga sawing palad na nilalang na nagsipanaw sa hindi maipaliwanag na kadahilanan. Bilang pagkilala sa kanila, sa pagiging bahagi ng buhay ni Andoy, may mga tanda na ginawa si ama kung saan ay inukit niya ang kani-kaniyang mga pangalan.
Sa Ilog Tayo
June 12, 2009Mahigpit na ipinagbabawal ni ina ang paliligo sa ilog. Lubha daw itong mapanganib. Taon-taon ay may buhay na ibinubuwis dito.
Ngunit mapanukso ang damdamin ng kabataan. Madali itong ma-igupo ng mga mapang-akit na pagkakataon.
Masarap at masaya ang paglalangoy lalo’t kasama ang mga kapwa kabata-an. Malamig ang tubig sa ilog. Malalim din ito. Mapag-aanyaya ang panahon sapagkat mataas ang sikat ng araw. Dama ang sariwang hanging sinala ng mga nagtata-asang kawayanan sa ibayo.
Heto na si Andoy. Nagmamadali sa paglundag sa umaagos na tubig. Napasigaw sabay sa pagtilamsik ng tubig. Hala, langoy la-ang ng langoy. Pagud na pagod sa pagkampay at pagsikad sa tubig. Ang tawag sa kilos na ito ay langoy-aso.
Bukod sa pagod, busog na busog ang diyaske. Sa bawat paglundag at paglubog sa tubig-ilog ay nakaka-inom si Andoy ng hindi sinasadya.
Hindi naman nagtagal at nagkayaya-an ang mga magkakaibigan na magsi-uwi. Abot-abot ang pagdighay. Lasa sa pa sa bibig ang matab-ang na tubig-ilog.
Pagsapit ng bahay ay nasalubong si ina. Napuna ang sunog na baraso at mga kulubot na palad. Inamoy ang buhok.
“Naligo ka sa ilog!”, bulalas ni ina. “Hindi ga ipinagbabawal ko iyan dahil mapanganib?”. “Hala, dapa sa papag.”
Makailang pinalo ng patpat sa puwit. Humito la-ang ng ma-ngako na hindi na susuwayin si ina.
Sa ating pamumuhay ay hindi tayo makaka-iwas sa mga batas. At ang paglabag sa utos ay may ka-ukulang parusa.
May batas pangtahanan. Gay-on din sa lipunan. At ang pinakamata-as ay ang Batas ng May-kapal.
Ang mga batas o utos na matuwid ay inilagay sa mga pamayanan sa ikabubuti ng lahat. Upang maging maayos ang pamumuhay.
Sa pagkakamali ni Andoy ay may katapat na hapdi ng parusa. Ngunit sa kabila nito ay aral. At ang bawat aral ay dapat i-ukit sa puso upang maipamana sa mga susunod na saling-lahi.
Matam-is na Pagmamahal
May 7, 2009 Ang tawag sa kaniya ay “Ilaw ng Tahanan”, hindi dahil sa siya ang nagsisindi ng gasera sa pagsapit ng dilim. Hindi rin dahil sa siya ang gumigising sa kaniyang mga anak sa pagsikat ng araw sa umaga. Ito ay dahil siya ang nagbibigay ning-ning sa buhay ng bawat isa sa loob ng tahanan. Gising na si ina bago pa laang tumilaok ang aming tandang sa madaling-araw. Hangos na sa pagsisindi ng kalan upang magluto ng agahan. Bago magtanghali, nalininis na ang mga ulbo at napakain na rin ang patabaing baboy at ang dalawang bulaw. Nagamasan na rin ang taniman ng gulay at nakapagdilig na rin. Sa pagsapit ng takip-silim handa na rin ang hapunan. Nakasalansan na rin ang mga panggatong na mga urang sa kalan. Walang kapaguran ang pangaraw-araw na gawaing-bahay ng isang ina. Hindi ko na naisulat pa ang iba. Ginagawa niya ang lahat ng mga ito hindi upang magmapuri or magmalaki. Ginagampanan niya ang pagiging ina dahil sa matam-is na pagmamahal niya sa kaniyang mag-anak. Sa iyo ina at sa lahat ng mga ina, isang maligayang pagbati sa inyo sa “Araw ng mga Ina” (Mothers’ Day) sa ika-10 ng Mayo taong 2009.
Lihim Pangkalusugan
April 18, 2009 Si Nanay Turay (Pastora ang buong pangalan) ay 94 taong gulang na ngunit ang pagkalakas pa. Araw-araw ang pagtatarbaho sa bukid maliban la-ang kung Linggo. Hindi pa nasikat ang araw eh yumaya-o na pasilangan. Tatlong ilat ang tinatawid bago makarating. Sa hapon naman eh suong-suong ang mga ginapas na damo, pakaen sa baboy; ang pakakasipag. Ano ga ang kayang lihim pangkalusugan? Ang akeng pagkakaalam ay laging sariwang gulay at bungang-kahoy ang kayang pagkaen. Bulanglang ang pagkakaluto. At kung may ista at baboy, nais niya ay pina-is na ayungin o kaya ay bakule. Ang karne ay kanyang binabange. Ayaw niya ng hawot at binitad. Napaka-alat daw at malansa. Matalas din ang kayang isipan. Lasa ko’y sanhi ng paginom niya ng kapeng barako tatlong ulit sa isang araw. Pagmalameg ang gab-e, nabarek siya ng kauntek. Hindi siya nahithet ng tabako; nginunguya niya ito. Parang nagngangata ng nganga. Pagkaminsan ay nakaka-adwa. Dura kasi ng dura. Tuweng tanghali pagkakaen ay natulog siya at nagising pagsapit ng ika dalawa ng hapon. Sa gab-e, harok na sa pagtulog pagsapit ng ika siyam. Huminto laang siya sa pamumukid ng isang umaga ay hindi na siya nagising. Matigas pa sa kulig ng aming hipuin. Sinapit niya ang kanyang ika-124 na kaarawan. Sa ating makabagong pamumuhay, maunlad at masigla ang mga pamayanan. Ilang kaya sa aten ang aabot sa gulang tulad ni Nanay Turay?
Ang Saltek ni Andoy
March 21, 2009 Sino nga ga sa aming baryo ang kabataang lalake na hindi humawak ng saltek? Sa edad na walo, araw-araw ang aking pagsasanay. Namimintug ang aking mga bulsa; puno ng mga makikinis na bato, pambala sa saltek.Hayun, law-law naman ang pundiyo eh, sa big-at ng bulsa. Karaniwang mga kawawang mga ibon at pagkaminsa’y mga asong-gala ang mga pinupuntirya. Ngunit pangunahin na ang mga ibon. Bukod sa malili-et, sila ay hinde nagsilayo kahit nabulabog. Para ‘gang naghahamon na tamaan sila. Isang hapon, yakag ako ng aking nakakabatang kapated. Itinuro ang isang pakiskes sa puno ng kakaw. Abot-abot naman ang pag-awit ng item na ibon. Pagay-ang gay-an pa ang buntot. Aking sinipat, pumaharap naman itong aking kapated upang iturong maige ang ibon. Pagbitaw ko sa balat na naghahawak ng bato, umigkis ang gomang naghagis ng bato sa sawing-palad na nilalang. Sabay sa pagtahimik ng ibon ay ang pag-aringkeng ng aking bunsong kapated. Tinamaan pala ng goma ang kayang mata sa paghaplit ng saltek. Paano ga naman eh napakalapet ng pagmumukha sa harapan ng tirador. Ang aral: Kung mag-iisyoso, lumagay sa maayos. Wag uulaga-ulaga. Palaging isaisip ang kaligtasan. Tala-salitaan: Saltek o tirador = sling-shot. Pakiskes = a middle sized black bird.
Ang Kuwento ni Tiya Duray
March 6, 2009 A-ah, tayo ang aming mga balahibo eh, sa takot. Mangyare eh nakinig kaming mga magpipinsan kay Tiya Duray. Nagkuwento kasi ang Tiya nang isang kaganapan dito sa amin baryo noong mga panahong kakaunti pa ang mga bahayan dine. Isa sa mga pinagkakatakutan ay ang burol sa lumang paaralan nang Darasa. Palibhasa’y bihira ang mga dumadaan kapag dumilim, marami ang umiiwas na gumawi sa burol na ito. Malalago at nagtataasan ang mga talahib sa gilid ng kalsada. Malapit naman sa tuktok ng burol ay ang dalawang matayog na puno ng mangga. Magkatapat at namamagitan la-ang ang kalsadang makipot. Sa araw, malamig ang simoy nang hangin. Nasisilungan kasi ng anino ng magkatapatang mga puno ang burol. At sa gab-e naman ay napaka dilim. Wari mo’y nakapiket ang iyong mga mata at walang maaninag kundi ang mga kutitap ng mga alitaptap. Minsan daw ay ginab-e si Mamay Turibio galing bayan dahil nakipaglamay sa patay na kamag-anak. Sakay ng kayang kalesa, abut-abot ang hagupit sa kabayo upang makalayo nga agad sa kinakatakutang burol. At nang sumapit nga siya duon, ay napansin ni Mamay na bumagal ang patikad nang kayang kabayo. Hinaplitt ng kaunte si kabayo para maing-gle. E-eh, lasa niya’y may pumipigil sa gilong ng kalesa. At nang lingunin ay nakita niya ang isang babaeng nakapulang damet at napakahaba ang mga buhok na nakalugay. Parang hinde nagsusuklay; mahihiya ang sabukot. Ang mga mata naman ay nanglilisik na nakatitig sa nahintakutang matanda. Bigla kamong akmang sasampa sa kalesa at bumigkas ng, “pasakayin mo ako”. Ang tinig daw ay nakakahindek. Akala mo eh musang na galet. Sumagot si Mamay, “Ay baken ga kita pasasakayen eh piritay ka?”, Nagngangalit ang mga bag-ang nang piritay at sasampa nga sa kalesa. Hala, halinhinan ang hagupit nang matanda sa kabayo’t sa maligno. Nilubayan la-ang si Mamay nang sumapit sa paanan nang burol. Latay namang katakut-takot ang inabot nang kawawang kabayo. Paltos nga ang puwitan eh. Lalu la-ang kinatakutan ng mga taga Darasa ang burol na iyon. Makatapos ang salaysay ni Tiya, urong ang aming mga tumbong nang kami ay magsi-uwi. Takut na takot. Ni hindi na nakuhang nagsi-ihi bago matulog. Kaya ayon, halos pumutok ang mga pantog nang magsigising sa umaga. Ayaw ko ng gay-an, maghapong akong binalisawsaw.
Nakipag-away kay Benito
February 23, 2009 Pahibhasa’y patpatin ang aking kataw-an, ako ay lagi na la-ang tinutuksong kalansay. Bakat daw sa T-shirt ko ang aking parilya. Isang bulate na la-ang daw ang kulang na pumirma at ililibing na ako. Ano pa ang aking gagaw-en? Eh di umiwas na la-ang sa mga nanunokso. Itong akeng kamag-aral na si Benito ay sunod pa rin ng sunod sa aken para ga maki-tukso. Mata-as siya at malusog ang pangangataw-an, walang ka-abog-abog akong inumbag sa tiyan. Kami nga ay nagpangbuno. Pagilong-gilong sa damuhan. Parang mga sawang naglilingkisan. E-eh, ako yata ay papatayen. Pisil-pisil ako sa lala-ugan. Puga-es na ako at hindi makahinga. Pagtulak ko kay Benito, umikot-ikot kami pababa sa gilid ng kanal. Napangise ang hayop. Biglang tumayo. Tumakbong palayo. Ako nama’y nagulat sa kayang inasal. Ang aking pagtataka ay napawi ng pagsusuka. Naka-amoy ako ng napakabaho. Puno ng dume ng aso ang aking T-shirt. Ako’y napadu-al. Labas lahat ang laman ng sikmura. Ang pagkahapdi ng akeng ngala-ngala. Maasim sa dila. Tuto-ong ako’y masyadong na-api nang araw na iyon. Kung siya nga ay talagang matapang, baket akong mali-et ang kayang napagdidiskitahan at hindi ang aming kamag-aral na si Luciano? Matangkad at sarat ang ilong. May bune pa ang sakong. Pahabol: Ang mga tao ay may hawig sa mga bakule sa ilog. Kapag pinagmasdan, animo’y may kanya-kanyang mga kaugalian. Mapapansin na may mga naghaharian at nagmamatapang. Nguinit ang pinupuntirya ay yaong may kahinaan o kaya naman ay maysakit. Sa aking pangunawa, ire marahil ay upang hinde na kumalat ang lahe ng mahihina. Yaong mga malalake at malalakas la-ang ang mananaeg. Ngunit hinde dapat gay-ong ang tao sapagkat hinde tayo hayop. Bawat isa ay may damdamen at marunong masaktan.
Salamat Ina
February 16, 2009 Marahil ay dala ng kabataan o kaya naman ay sadyang tamad la-ang. Ayaw maghiso at maghilamos bago matulog. Kung ano ang suot na damit maghapon, siya ding suot sa pagtulog. Kaya ayon, tadtad ng an-an ang li-eg at batok, pati pisnge. Arampoy ni ina sa paglilinis ng kataw-an. Natuto la-ang maghiso nuong pinagsaktan ng ngipen. Nang makaranas nang pagsakit ay nagpagilong-gilong noong gab-e sa higaan at palahaw ng iyak. Ayaw yatang magpatulog nang iba. Sa umaga naman eh pinapahiran ni ina ng salisalik asid ang pisnge at li-eg para mawala ang an-an. Ngibet naman eh, sa hapdi ng asido. Kung hinde nagmalasakit si ina ay hindi matututo ang batang si Andoy. Salamat kay ina. Pahabol: Sa aking pang-unawa, likas sa ina ang dakilang pagmamahal sa kanyang mga anak. Hinde kailangang may maturo pa upang ang mga dapat gaw-en ay matupad, maliban na la-ang kung tunay na may kakulangan sa pag-iisip.






